Kusang loob na nagbalik loob sa gobyerno ang 11 mga miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Joint Task Force Sulu kahapon.
Ayon kay JTF Sulu Spokesperson Lt. Col. Ronaldo Mateo, ang 11 mga ASG ay mga tauhan nina ASG leader Mundi Sawadjaan at Radulan Sahiron na sumuko mismo kay Colonel Antonio Bautista Jr., ang Commander ng 1101st Brigade.
Isinuko rin ng mga ASG ang iba’t ibang high powered firearms kabilang na ang M16 armalite at M1 garand rifle.
Sa ngayon ay isinasailalim sila sa Social Integration Program ng LGU at JTF Sulu.
Bukod sa Social Integration Program, sumasailalim rin sila sa physical at medical examination sa Camp Bautista Station at sa mga susunod na araw ay isasalang sila sa profiling process bago ang psychosocial interventions.
Papapasukin rin sila sa livelihood trainings at seminars na gagawin ng TESDA at Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) – BARMM.
Batay sa datos ng JTF Sulu, simula 2017, kabuuang 344 na ASG na ang sumuko sa AFP, PNP at LGU Sulu.