“Patunayan na sila ay tunay na “In the Service of the Filipino,” sa pamamagitan ng pag-regular sa 11,000 empleyado nila.”
Ito ang naging hamon ni ACT-CIS partylist Rep. Eric Yap sa pamunuan ng ABS-CBN sa gitna ng pagkabinbin ng franchise renewal bill sa Kongresto at isinampang quo warranto ni Solicitor General Jose Calida sa Korte Suprema.
Ayon sa kongresista, kailangan intindihin ng istasyon ang karapatan ng mga manggagawa kung totoong inuuna nila ang kapakanan nito.
Aniya, karamihan sa status ng 11,000 trabahador ng giant network ay talent o kontraktwal.
Bukod dito, iginiit ng mambabatas na dapat bayaran ng kompanya ang back pay at iba pang benepisyo ng 120 na empleyado na sinasabing iligal na tinanggal sa trabaho noong 2010.
Inilalaban pa din ng mga nasabing manggagawa ang karapatang ipinagkait ng ABS-CBN sa Korte Suprema hanggang ngayon.
Sa huli, sinabi ni Yap na kapag nagawa ito ng Kapamilya network ay siguradong pamamarisan sila ng iba pang malaking kompanya bunsod ng patas at maayos na pagtrato sa kanilang empleyado.