P128.1 bilyong budget ang nakalaan ngayong 2024 para sa 113 state universities and colleges (SUCs) na mas mataas ng P27.3 bilyon kumpara sa kanilang panukalang budget.
Bunsod nito ay nagpadala ng 2-pahinang liham ng pasasalamat kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez si Dr. Tirso Ronquillo na siyang pangulo ng Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC).
Bilang tugon ay tiniyak naman ni Speaker Romualdez sa PASUC na prayoridad na mapondohan ang mga paaralang pinatatakbo ng gobyerno alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na tiyaking hindi napag-iiwanan ang mga estudyanteng Pilipino.
Ayon kay Ronquillo, kasama sa matutulungan ng dagdag na P27.3 bilyon ang 1.85 milyong estudyante na nag-aaral sa iba’t ibang SUC sa bansa, 72,000 faculty at staff, at 50,000 job orders at contract of service workers.
Sabi ni Ronquillo, ang paglalagak ng “unprogrammed funds” sa kanilang hanay ay magagamit para sa kakulangan sa free higher education o FHE noong school year 2022 at 2023.
Kasamang tutustusan ng unprogrammed funds ang “digital transformation” o “smart campus system ng pitong SUC at pagtatayo, pagtatapos, at pagsasaayos ng mga classroom at dormitoryo ng 40 SUC.
Susuportahan din nito ang College of Medicine ng 22 SUC gayundin ang “Tulong Dunong program” SUC at “financial assistance sa mga atleta at athletic programs.