Magpapatupad ng maximum tolerance ang Philippine National Police (PNP) kasabay ng ikakasang tigil-pasada ngayong araw ng grupong Manibela.
Ayon kay PNP Public Information Office Acting Chief, PCol. Jean Fajardo, mahigpit ang tagubilin ni PNP Chief, PGen. Benjamin Acorda Jr. sa mga pulis na pairalin ang maximum tolerance pero hayaan ang mga raliyista na maghayag ng kanilang saloobin basta’t hindi ito makaaabala sa karapatan ng iba.
Nakiusap din aniya sila sa mga makikilahok sa nasabing transport strike na huwag mamilit ng kapwa nila tsuper na ayaw sumama sa tigil-pasada.
Ani Fajardo, ayaw nilang humantong sa arestuhan ang kanilang paghahayag ng saloobin bilang bahagi naman ito ng demokratikong proseso.
Kasunod nito, handa rin ang PNP na umalalay sa mga masa-stranded na mga motorista sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng sakay.
Mayroon din aniya silang sapat na mga tauhan para umalalay sa mga maaabalang motorista.
Samantala, ilang pasok sa eskwela ang kinansela ngayong araw upang hindi mahirapan ang mga estudyante.
Ang naturang tigil pasada ng Manibela ay bilang protesta sa nakaambang pag-phase out ng mga traditional jeepney dahil sa PUV Modernization program.