14-day quarantine period, ipinababalik sa gitna ng banta ng Omicron variant

Hinimok ng isang health expert ang gobyerno na pahabain ang quarantine period ng mga biyaherong papasok sa Pilipinas at i-ban ang mga filghts mula sa mas maraming bansa dahil sa banta ng bagong COVID-19 variant.

Ayon kay Dr. Tony Leachon, dating special adviser ng National Task Force Againts COVID-19, dapat na ikonsidera ng pamahalaan na ibalik ang 14-day quarantine period para mapigilang makapasok sa bansa ang Omicron variant sa bansa.

Sa kasalukuyan, ang mga biyaherong manggagaling sa mga bansang nasa “yellow list” at fully vaccinated kontra COVID-19 ay kailangang sumailalim sa 3-day facility-based quarantine pagkarating sa Pilipinas.


Makakalabas lamang sila mula sa pasilidad kapag nag-negatibo sa RT-PCR test na gagawin sa ikatlong araw ng kanilang quarantine.

Mungkahi ni Leachon, iprayoridad ang pag-ban sa mga biyaherong manggagaling sa Hong Kong kung saan nakapagtala na rin ng kaso ng Omicron variant.

Aniya, dapat tularan ng Pilipinas ang Israel na ngayon pa lamang ay nagsara na ng kanilang mga borders.

Samantala, una nang sinuspinde ng pamahalaan ang mga flights mula South Africa kung saan unang na-detect ang Omicron variant na ngayon ay tinukoy na bilang “variant of concern” ng World Health Organization (WHO).

Dahil dito, inirekomenda rin ni Leachon na panatilihin ang Alert Level 2 sa bansa hanggang sa katapusan ng taon at sa Enero na lamang magluwag.

Facebook Comments