Kabilang ang mga health workers mula sa apat na COVID-19 referral hospitals sa Metro Manila sa listahan ng mga unang mabibigyan ng COVID-19 vaccines sa oras na dumating na ang mga bakuna sa bansa.
Ayon kay Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr., ilan sa mga ospital na ito ay ang Philippine General Hospital (PGH) sa Manila, Lung Center of the Philippines at East Avenue Medical Center sa Lungsod ng Quezon.
Kabilang din ang Dr. Jose Natalio Rodriguez Memorial Medical Center (Tala Hospital) sa Caloocan City.
Ayon kay Secretary Galvez, tinatayang nasa 117,000 COVID-19 vaccine doses ang inaasahang matatanggap ng Pilipinas mula sa Pfizer ngayong buwan kung saan sapat na ito para mabakunahan ang nasa 56,000 health workers na mula sa mga nabanggit na referral hospitals at ang natitira ay ibibigay sa mga health workers sa Cebu at Davao City.
Paliwanag pa ni Galvez, ang nasabing dami ng mga bakunang matatanggap ng bansa ay mula sa Covax Facility kung saan dapat aniyang matiyak na maibibigay ito sa mga medical frontliners maging sa mga tinaguriang vulnerable sectors.