Mga lider ng iba’t ibang partido sa Kamara, ikinalungkot ang mga pahayag ni dating Pangulong Duterte

Ikinalungkot ng mga lider ng iba’t ibang partido politikal sa Mababang Kapulungan ang banta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa ilang kongresista at sa buong Kamara kung saan siya dating miyembro.

Nakasaad ito sa pahayag na inilabas ni House Secretary General Reginald Velasco, kung saan binigyan diin na para sa kapakanan ng bansa ang paglipat ng contingency fund ng iba’t ibang ahensya sa gitna ng tensyon sa West Philippine Sea (WPS).

Iginiit din sa pahayag na ang pork barrel fund na binabanggit ni dating Pangulong Duterte ay matagal nang idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema.


Ayon kay Velasco, ang statement na kanyang inilabas ay pinagsama-samang pahayag ng mga partido na kinabibilangan ng Lakas-Christian Muslim Democrats, Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan, Nationalist People’s Coalition, Nationalista Party, National Unity Party, at Party-list Coalition Foundation Inc.

Ipinalala rin sa naturang pahayag ang naging suporta ng buong Kamara, kasama na ang Makabayan Bloc, sa pagsisimula ng termino ni PRRD noong 2016.

Facebook Comments