Petisyon para ipatigil ang implementasyon ng “no vax, no ride” policy, ihahain ng grupo ng mga manggagawa sa Korte Suprema

Nakatakdang maghain ng apela sa Korte Suprema ang grupo ng mga manggagawa hinggil sa planong pagpapatupad ng “no vaccination, no ride” policy sa mga manggagawang hindi pa bakunado o partially vaccinated kontra COVID-19.

Sa panayam ng RMN Manila, sinabi ni ALU-TUCP Spokesperson Alan Tanjusay na hihingi sila ng Temporary Restraining Order (TRO) para mapag-aralan ang legalidad ng polisiya.

Aniya, malinaw naman kasi na nakasaad sa Republic Act 11525 na bawal ang mandatory requirement ng vaccination card kapalit ng trabaho o serbisyo gaya ng public transportation.


Sa kabila nito, nilinaw ng grupo na suportado nila ang vaccination program ng gobyerno pero may karapatan din kasi aniya ang mga tao na tumangging magpabakuna.

“We support that, na dapat lahat mabakunahan pero yun nga, mulat ang mga manggagawa natin sa mga karapatan nila, sa mga discrimination at sa mga pagbabawal sa mandatory vaccination. So, pagdating siguro ng February 26, we expect na kakaunti na lamang yung mga manggagawang hindi pa bakunado subalit magkakaroon talaga yan ng tensyon,” pahayag ni Tanjusay.

“Ang aming contribution d’yan, meron nang grupo na naghahanda ng manuscript upang makakuha ng Temporary Restraining Order dito sa no vaccine, no ride policy.”

“So, inaasahan natin by, on or before February 26 siguro ay maihahain yang petisyon na yan sa Supreme Court,” dagdag niya.

Mungkahi ni Tanjusay, mas tutukan ang implementasyon ng “Resbakuna sa Botika” sa mga probinsya kaysa sa Metro Manila na mataas na ang vaccination rate.

“Ang numero uno talaga ay access sa vaccines, especially yung mga manggagawa na nagtatrabaho sa Metro Manila pero dito umuuwi sa Bulacan, Cavite, Laguna, Batangas, kaya dapat ang rollout ng vaccination sa mga botika ay huwag nang mag-focus dyan sa Metro Manila dahil marami na sa mga manggagawa diyan ang bakunado,” paliwanag niya.

“Dapat mag-focus na tayo dito sa mga botika at pharmaceuticals sa mga probinsya. Sa tingin namin, nandito yung backlog, ang dami ng mga manggagawang hindi pa bakunado dahil nahihirapan silang makakuha ng access, schedule at walang incentives na ibinibigay,” giit ni Tanjusay.

Facebook Comments