Hinikayat ng senatorial bet ni presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson na si dating Agriculture Secretary Emmanuel ‘Manny’ Piñol ang mga botante na taimtim na magmuni-muni bago dumating ang araw ng eleksyon.
“Magmuni-muni tayo. Isipin nating mabuti: anong bansang Pilipinas ang gusto nating ipamana sa ating mga anak? Isa bang bansang matuwid o isang bansang grabe ang korapsyon? Isang bansang masagana ang pamumuhay o isang bansang mahirap ang mamamayan?” pahayag ni Piñol.
Sinabi ito ng dating kalihim at chairman ng Mindanao Development Authority (MinDA) sa kanilang pangangampanya sa Ynares Center sa Antipolo City, Rizal nitong Biyernes (Abril 22). Kasama siya ni Lacson at running mate nito na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III.
Habang patuloy ang pagtaas ng mga pangunahing bilihin tulad ng pagkain, gasolina, at iba pang mga pangangailangan, binigyang-diin ni Piñol na hindi dapat magkamali ang mga botante sa pipiliing susunod na pinuno ng ating gobyerno na makakaapekto, lalo na sa mga ordinaryong mamamayan.
“This cannot go on. Hindi pwedeng magpatuloy ito na pati ‘yung pagkain ay hindi na kayang bilhin ng pangkaraniwang pamilyang Pilipino. But the answer to that, my dear friends, is good governance. Malinis na pagpapatakbo ng ating pamahalaan,” sabi ni Piñol.
Bagama’t hindi umano kinukuwestiyon ni Piñol ang iba pang tumatakbo sa iba’t ibang ngayong Halalan 2022, kumpiyansa aniya siya sa pagpili kay Lacson bilang susunod na pangulo ng bansa. Umaasa siya na marami pang Pilipino ang magiging ganito rin ang pananaw.
“Kumbaga, sa boksingero, ito ang pinaka-beteranong boksingero. Walang kaba, sigurado ang fighting style, isa lang ang consistent—labanan ang korapsyon, ayusin ang gobyerno para magiging maayos ang buhay ninyo,” pagsasalarawan pa ng batikang public servant mula sa Cotabato kay Lacson.
Inihayag din ni Piñol na ipinagmamalaki niya ang kanyang partymate na si Sotto, chairman ng Nationalist People’s Coalition, dahil sa pananatili niya kay Lacson sa buong panahon ng kampanya. Hinimok din niya ang mga Pilipino na iboto rin ang mga kapwa niya senatorial aspirant na sina Dra. Minguita Padilla at retired Gen. Guillermo Eleazar.
“Even after Reporma abandoned my presidential candidate Ping Lacson, Tito Sotto decided to stay with the president, who he believes will be the best president of this country, Panfilo ‘Ping’ Lacson—5/9, singko si Lacson, nuwebe si Sotto,” saad pa ni Piñol.
Sinabi rin ng dating mamamahayag at gobernador ng Cotabato sa mga botante na sana ay unahin nilang alalahanin ang mga plataporma at mensahe ng pagbabago mula sa mga seryoso at may mahabang karanasan sa paglilingkod sa bayan maliban sa mga pangalan ng mga pulitiko sa araw ng eleksyon.
“Ako po ay nagsusumamo, uulitin ko, pagpunta natin sa ating presinto sa Mayo 9… Isipin niyo muna ang inyong mga anak, ang inyong mga apo, at ang kanilang kinabukasan. Pagkatapos, ikoneksyon niyo sa mga programang sinasambit ng mga nangangampanya,” paalala ni Piñol sa mga botante