PNP, tutulong na rin sa imbestigasyon kaugnay sa umano’y pagdukot na ginawa ng mga pulis sa ilang indibidwal sa Maynila

Makikipag-ugnayan na ang Philippine National Police (PNP) sa National Bureau of Investigation (NBI) para tumulong sa pag-iimbestiga kaugnay sa umano’y pagdukot ng mga pulis sa tatlong indibidwal sa Maynila.

Ayon kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, itinuturong suspek ang mga pulis sa pagdukot kina Rexcell John Hipolito, 23 anyos, Ronald Jae Dizon, 21 anyos; at 18 anyos na si Ivan Serrano.

Ang alegasyong ito ay mula sa dalawang suspek na nagsisilbi umanong police asset na kasalukuyang nasa kustodiya ng NBI at posibleng isailalim sa witness protection program ng gobyerno.


Sinabi ng mga suspek na bilang police asset, itinuturo nila ang mga sangkot sa iligal na droga sa mga pulis at tinukoy ang tatlong biktima ng kidnapping bilang mga tulak ng marijuana.

Nagpanggap din daw silang mga pulis nang kunin ang tatlo sa kanilang bahay sa Sta. Cruz, Maynila noong April at nalaman daw nilang patay ang tatlong biktima.

Ayon kay Eleazar, seryosong alegasyon ito sa mga pulis na dapat matutukan, kaya pagtitiyak niya na sa oras na mapatunayang totoo ang alegasyon ay hindi niya palalampasin ang mga pulis na sangkot dito.

Facebook Comments