12.1 million doses na COVID-19 vaccines na hindi pa tukoy ang brand, kinuwestyon sa Senado

Kinuwestyon ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Senator Francis Tolentino ang mga na-expire na bakuna na hindi nagawang tukuyin ng Department of Health (DOH) ang mga brand.

Sa pagdinig ng Blue Ribbon patungkol sa non-disclosure agreement sa mga biniling COVID-19 vaccines, sinabi ni Dr. Ma. Joyce Ducusin, OIC-Director IV ng Supply Chain Management Service, na mayroong 12.1 million doses ng COVID-19 vaccines na na-expire ang nai-report sa kanila ng mga LGU at centers for health development sa mga rehiyon pero ito ay walang brand o pangalan ng bakuna.

Agad namang nilinaw ni Ducusin na may mga brand o tatak ang nasabing mga na-expire na bakuna at hindi lamang nailagay ng mga LGU at CHD sa vaccine wastage report kung anong mga brand name ng mga expired na COVID-19 vaccines.


Ang 12.1 million doses na hindi nasabing COVID-19 vaccines na na-expire ay kasama sa 44 million doses ng bakuna na naitalang napaso noong December 2, 2022.

Puna rito ni Tolentino, batid dapat ng DOH kung anong brand ng bakuna ang ipinadala sa bawat lugar lalo’t hinati-hati naman ito at tukoy ito ng ahensya bago ipinamahagi.

Trabaho rin aniya ng DOH na kalampagin ang mga municipal health officer at regional directors para nailagay sana ang mga brand name ng mga expired na bakuna.

Sa 44 million doses na expired COVID-19 vaccines, 1.4 million doses ay Sinovac, 11 million doses ang Astrazeneca, 1.7 million doses ang Gamaleya, 2.5 million doses ang Pfizer for adults, 669,548 doses ang Pfizer pedia, 11 million doses ang Moderna, 3.3 million doses ang Janssen, 1.3 million doses ang Sinofarm at 2.9 million doses ang Sputnik.

Facebook Comments