12-anyos na may kakulangan sa pag-iisip, buntis sa ikalawang pagkakataon

Inulan ng kuwestyon ang mga awtoridad sa Guangdong, China matapos mabuntis ang isang 12-anyos na may hindi pa natutukoy na problema sa pag-iisip, sa ikalawang pagkakataon sa loob ng walong buwan.

Dinala ang babaeng itinago sa pangalang “Xiaowen” sa ospital sa Xinyi, kung saan isinagawa ang aborsyon nitong Sabado, ayon sa Thepaper.cn sa ulat ng AsiaOne, Nob. 18.

Higit isang buwan nang nagdadalantao ang babae nitong Oktubre bago madiskubre ng mga kaanak ang kondisyon nito at masabi sa pulisya.


Nito lamang Marso, sumailalim din sa aborsyon si Xiaowen matapos umanong gahasain ng lima o anim na kalalakihan, base sa salaysay ng mga kaanak nito.

Inimbestigahan ng awtoridad ang anim na kalalakihan base sa isinalarawan ng biktima, ngunit walang sa mga ito ang tumugma sa ginawang DNA test.

Sa opisyal na pahayag, sinabi ng pulisya sa Xinyi na mayroon ng ilang nadiskubreng makatutulong sa kaso na patuloy pa ring iniimbestigahan.

Nanawagan din ang pulisya sa suspek na sumuko at sa kung sinumang may nalalaman sa insidente, na makipagtulungan sa awtoridad.

Si Xiaowen ay nasa pangangalaga ng kanyang mga magulang na pareho rin umanong may kakulangan sa pag-iisip at isang nakatatandang kapatid, ayon sa sinabi ng kanyang tiyahin sa Thepaper.cn.

Kaugnay nito, naglaan ng psychological counselling para kay Xiaowen at kanyang pamilya ang lokal na pamahalaan ng Xinyi.

Bukod dito, gobyerno rin ang tumulong sa isinagawang aborsyon at nagsaayos ng mga donasyon para tulungang makapag-aral sa special needs school ang dalagita sa oras na gumaling.

Facebook Comments