Makati City – Naging matagumpay ang kauna-unahang DZXL Radyo Trabaho Mini Job Fair na isinagawa sa Social Function Hall ng DZXL RMN Manila sa 4th Floor ng Guadalupe Commercial Complex (GCC), Makati City.
Mahigit isang libong job opportunities ang alok sa mga pursigidong aplikante gaya ng sales staff, client care specialist, project engineer, HR officer, social media marketing staff, construction supervisor and manager, electrician, welder, driver at iba pa.
Kabilang sa mga nakiisang kompanya at agencies ay ang mga sumusunod:
- BLE Best Manpower International Services, Inc.
- Citi Global Reality And Development, Inc.
- Harem, Inc.
- Hernando Manpower Services
- Jolly Management Solutions, Inc.
- MRS Wood Industries And Construction
- Philman Power Center
- Prime Mover Business Solutions, Inc.
- STBN Manpower Agency and Allied Services Corporation
Kasunod nito ay isa-isang binigyan ng pagkilala ni Ms. Erika Canoy-Sanchez, Vice President for Content and Marketing ng RMN ang mga nakiisang kompanya at agencies.
Pinasalamatan din ni Ms. Erika ang Public Employment Service Office (PESO) Makati City; Department of Labor and Employment-NCR (Makati at Pasay) at ang PESO Association of Metro Manila President and Mandaluyong PESO City Manager Tita Emma Javier.
Samantala, umabot naman sa labindalawang aplikante ang na-hire on the spot.
Siyam sa kanila ay mga lalaki na natanggap bilang mga service crew, production staff, data encoder at driver habang ang tatlong babae naman ay natanggap bilang mga service crew at receptionist.
Sa kabuuan, pitumpu’t siyam na aplikante ang nagpunta sa Mini Jobs Fair ng DZXL Radyo Trabaho kung saan limampu rito ay mga lalaki at dalawampu’t siyam naman ay mga babae.
Pinakabata sa mga nag-apply ay dalawang disi otso anyos na babae habang sisenta’y uno na lalaki naman ang pinakamatandang aplikante.
Ang mga job seeker na nagsumikap pumunta sa Mini Jobs Fair ay mula sa Quezon City, Caloocan, Pasay, Makati, Taguig, Pasig, Marikina, Mandaluyong, Parañaque, Las Piñas, Antipolo, Sta. Cruz, Maynila; Morong, Rizal; Marilao, Bulacan; General Trias, Imus at Bacoor, Cavite.