Cauayan City, Isabela- Inilagay na sa kategorya na ‘Critical’ ang 12 bayan mula sa Lambak ng Cagayan.
Batay sa pinakahuling datos ng DOH Region 2 nitong ika-17 ng Agosto, anim (6) na bayan at isang siyudad sa Lalawigan ng Isabela ang nasa ‘critical risk’ classification tulad ng mga bayan ng Roxas, Sta Maria, Reina Mercedes, Delfin Albano, San Isidro, Quezon at ng Lungsod ng Cauayan.
Sa Cagayan ay nasa critical din ang bayan ng Alcala, Allacapan, Iguig, Solana at Sta. Teresita.
Ito’y matapos makapagtala ang mga nabanggit na lugar ng mataas na “growth change rate” sa kanilang mga aktibong kaso ng COVID-19.
Ayon kay Dr. Angelica Taloma ng DOH Region 2, ang mga nabanggit na bayan, dati ay wala o kakaunti lamang ang aktibong kaso pero sa loob lamang ng ilang araw ay bigla itong dumami.
Gayunman, nilinaw nito na hindi ibig sabihin na ang mga nasabing bayan na nasa critical epidemic risk classification ang siyang may pinakamataas na kaso sa ngayon.