
Ipinagpatuloy ng Police Regional Office 1 (PRO 1) ang kampanya nito para sa kapayapaan at seguridad matapos ang kusang pagsuko ng 12 indibidwal na dating may kaugnayan sa mga grupong sumusuporta sa insurhensiya noong Disyembre 2025.
Sa mga sumuko, isa ang kinilalang kasapi ng Communist Front Organization (CFO) habang labing-isa naman ang inuri bilang mga miyembro ng Underground Mass Organization (UGMO).
Ayon sa PRO 1, ang tagumpay na ito ay bunga ng pinaigting na intelligence-driven policing, tuloy-tuloy na pakikipag-ugnayan sa komunidad, at mahigpit na koordinasyon sa mga katuwang na ahensya at lokal na pamahalaan.
Naging susi rin sa pagsuko ng mga dating insurhente ang pagpapatupad ng PRO 1 ng mga dayalogo, information campaigns, at confidence-building activities, na naglayong hikayatin ang mga indibidwal na talikuran ang mga gawaing nakapipinsala sa kapayapaan at yakapin ang mapayapa at makataong pamumuhay.
Kasabay nito, nakipag-ugnayan ang kapulisan sa mga kaukulang ahensya upang matulungan ang mga sumuko sa kanilang paunang reintegrasyon sa komunidad.
Binigyang-diin ni PBGEN Dindo R. Reyes, Regional Director ng PRO 1, na mahalaga ang papel ng mamamayan sa pagpapanatili ng kapayapaan sa rehiyon.
Dagdag pa ni PBGEN Reyes, patuloy na paiigtingin ng PRO 1 ang mga peace-building at anti-insurgency efforts upang matiyak ang isang ligtas, maayos, at mapayapang Rehiyon 1.







