
Ngayong araw ng Pasko ang huling araw ng libreng sakay na handog ng Department of Transportation (DOTr) bilang bahagi ng kanilang 12 Days of Christmas program.
Libre ang pagsakay sa LRT-1, LRT-2, at MRT-3 ngayong araw.
Kahapon, bisperas ng Pasko, umabot sa 6,695 na uniformed personnel, veterans, at kanilang mga pamilya ang nakinabang sa libreng sakay sa MRT-3, habang 1,330 naman ang naitala sa LRT-2.
Noong December 23, umabot sa 260,852 empleyado mula sa private sector at mga kasambahay ang nakinabang sa libreng sakay sa MRT-3, habang 44,895 naman sa LRT-2.
Kaugnay nito, nagpatupad ng adjusted schedule ang LRT-2, kung saan ang huling biyahe patungong Antipolo ay hanggang alas-10:00 ng gabi, habang hanggang alas-10:30 ng gabi naman ang huling biyahe patungong Recto.
Nagpatupad din ang pamunuan ng MRT-3 ng adjusted schedule ngayong December 25 at sa January 1, kung saan 6:30 ng umaga ang unang biyahe patungong North Avenue at Taft Avenue.
Samantala, ang huling biyahe sa North Avenue ay hanggang 10:30 p.m., habang 11:19 p.m. naman ang huling biyahe sa Taft Avenue.









