12 DENGUE CASES, NAITALA SA CAUAYAN CITY SA LOOB LAMANG NG KALAHATING BUWAN

Cauayan City, Isabela- Sa loob lamang ng kalahating buwan ng Hunyo, nakapagtala na ang Lungsod ng Cauayan ng labindalawang kaso ng Dengue.

Sa naging panayam ng 98. iFM Cauayan kay Nurse 1 Joanne De Guzman ng Cauayan City Health Office, as of June 5 to June 11 ng kasalukuyang taon, mayroon nang naitala na 12 dengue cases mula sa iba’t-ibang ospital dito sa Lungsod ng Cauayan.

Gayunpaman, wala namang naiulat na namatay sa mga ito na kung saan tatlo (3) sa mga tinamaan ay nagpapagaling sa kanilang tahanan habang ang siyam (9) naman ay nagpapagaling sa ospital.

Karamihan sa mga dinapuan ng sakit na dengue ay mga kabataan at pinakamarami sa mga ito ang nasa edad 16 o labing anim, habang ang pinakabata naman ay ang anim (6) at walong buwan na baby.

Sa pinakahuling datos naman na inilabas ng Isabela Provincial Information Office, tinatayang nasa 1,117 ang naitalang kaso ng dengue sa buong Isabela na pinangungunahan ng Lungsod ng Ilagan na may 155 cases; pumapangalawa ang bayan ng San Mateo na may 86; pangatlo ang mga bayan ng Gamu at Tumauini na may 82 at pumapang-apat naman ang Lungsod ng Cauayan na may 78 dengue cases.

Tanging ang mga bayan naman ng Dinapigue at Divilacan ang walang naitalang kaso ng Dengue.

Ayon kay De Guzman, ang 78 na dengue cases ay naitala mula sa buwan ng Enero hanggang sa kasalukuyan buwan. Tumaas aniya ito kumpara sa datos noong mga nakaraang taon dahil na rin sa rainy season kung saan lalong dumadami ang breeding sites ng mga lamok na posibleng carrier ng dengue virus.

Para naman makaiwas sa sakit na dengue, numero unong ipinapayo sa publiko na dapat palaging malinis ang paligid, tingnan at linisin ang mga lugar o bagay na pinamamahayan ng lamok, at itapon ang mga tubig na naipon sa mga bagay-bagay na maaaring pamugaran ng lamok.

Bilang tugon naman ng City Health Office sa pagtaas ng kaso ng dengue, nagsumite na ang kanilang tanggapan ng sulat sa LGU para sa pagsasagawa ng isang araw na Clean-up drive na isasagawa sa bawat barangay maging sa mga establisyimento upang maprevent ang pagdami ng mga lamok at mapigilan din ang lalong pagtaas ng kaso ng dengue.

Samantala, pinapayuhan naman ang sinuman na agad magpatingin sa doktor kung nakakaranas ng mga sintomas ng dengue tulad na lamang ng mataas na lagnat sa loob ng dalawa hanggang pitong araw; pananakit ng kasu-kasuan at kalamnan; panghihina; pagkawala ng ganang kumain; pamumula ng balat; pananakit ng tiyan at pagsusuka; pagdurugo ng ilong at gilagid at pananakit sa likod ng mata para sa ganon ay agad itong maagapan.

Facebook Comments