Cauayan City, Isabela- Dinakip ng mga alagad ng batas sa magkakahiwalay na lugar sa Lalawigan ng Cagayan ang 12 na kalalakihan matapos masabat sa pagpupuslit ng mga iligal na kahoy.
Tatlo (3) ang naaresto sa pagpupuslit ng Gmelina na isinakay sa isang kuliglig sa bayan ng Baggao, Cagayan na kinilalang sina Prudencio Bosque, Archie Bunuan at Jhon Carlo Rojo; isang (1) Dominador Acang naman ang nahuli sa pag-iingat ng mga nilagareng kahoy sa bayan ng Pamplona, Cagayan habang isang (1) magsasaka rin sa bayan ng Lasam, Cagayan ang dinakip dahil sa pagpupuslit ng mga pinutol na kahoy (Gmelina) na isinakay naman sa Kulong-kulong.
Natimbog rin ang pito (7) pang kalalakihan sa bayan ng Piat, Cagayan nang matiklo ng mga kapulisan ang tangkang pagbiyahe ng mga ito ng pira-pirasong pinutol na kahoy.
Kinilala ang pito na sina Jerwel Palejo, Regie Solancho, Rexie Solancho, Christopher Callo, Martin Berido, Joel John Ignacio at John Albert Gambauan na pawang mga residente sa bayan ng Piat.
Ang mga suspek at mga nakumpiskang mga kahoy ay dinala sa himpilan ng pulisya para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.