Isinusulong ni Deputy Speaker Mikee Romero na mabigyan ng amortization plan ang mga COVID-19 patients para sa kanilang medical at hospital charges.
Sa ilalim ng House Bill 9310 na inihain ni Romero, ay inirerekomenda nito na mabigyan ng 12-month amortization plan ang mga pasyenteng nagkasakit ng COVID-19 na may incurring o kasalukuyang medical bills sa mga pribado at pampublikong ospital.
Ang panukalang tatawaging “Patak-patak COVID-19 Hospitalization Payment Plan” ay applicable o para sa mga Pilipinong nagkasakit ng COVID-19 batay sa resulta ng RT-PCR swab test at sakop nito ang lahat ng public at private hospitals sa buong bansa.
Magkagayunman, nakasaad sa panukala na ang mga nagkasakit ng COVID-19 na hindi sakop ng COVID-19 coverage ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at iba pang subsidiya ng ibang government institutions ang prayoridad ng naturang amortization plan.
Nakasaad sa panukalang batas ang pagbibigay kapangyarihan sa Pangulo para sa magpatupad at magdeklara ng nasabing national policy.
Ang mga health care providers o facilities na lalabag sa oras na maisabatas ito ay mahaharap sa P200,000 multa sa bawat asunto o suspensyon ng kontrata/accreditation o parehong parusa depende sa bigat ng paglabag.