12 na lugar sa Visayas at Mindanao, nasa “low risk” classification na sa COVID-19 – OCTA

Inihayag ng OCTA Research group na nasa “low risk” classification na ng COVID-19 ang 12 na lugar sa Visayas at Mindanao.

Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, ito ay ang Bacolod, Cebu City, Lapu-Lapu, Mandaue, Ormoc, Tacloban, Butuan, Cotabato City, Davao City, General Santos, Iligan at Zamboanga City.

Aniya, nasa “very low risk” category na ang reproduction rate o bilis ng hawaan sa mga naturang lugar habang nasa “low risk” naman ang healthcare utilization rate ng mga ito maliban sa Tacloban at Cotabato City.


Sa kabila nito, bagama’t nananatiling nasa “moderate” classification ang one-week average daily attack rate (ADAR) ng Cebu City, Lapu-Lapu, Mandaue, Davao City, Iloilo, at Cagayan de Oro, ay mataas pa rin ang positivity rate ng Ormoc, General Santos, at Iligan.

Samantala, tiniyak naman ng OCTA na nanatiling nasa downward trend ang bansa dahil sa patuloy na pagbaba ng tinatamaan ng COVID-19.

Facebook Comments