
Sinampahan na ng kasong administratibo ang 12 opisyal ng Bureau of Fire Protection (BFP) kasunod ng umano’y korapsyon sa ahensya.
Apat sa mga ito kabilang ang isang Regional Director mula sa Region 8 ang sangkot sa slot-for-sale kapalit ang pagbabayad ng malaking halaga.
Sa pulong balitaan kanina, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, na pinagbabayad ng mga sangkot na BFP-RO 8 officials ng aabot sa P400,000 hanggang P800,000 ang mga aplikante kapalit ng garantiyang maisasali sa final list ng successful applicant.
Samantala, sinampahan na rin ang anim na personnel mula sa BFP Region 10 dahil sa pag-apruba ng mga aplicants ng walang physical, medical at dental clearances at dalawang tauhan mula sa CALABARZON kaugnay naman sa iregularidad sa fire safety inspection practices.
Dahil dito, pinatawan ng 90-days preventive suspension ang mga kinasuhang BFP personnel habang gumugulong ang imbestigasyon.
Samantala, sasampahan rin ng administrative case ang isang BFP Region 1 personnel dahil sa pagde-demand nito ng P90,000 para sa pag-facilitate ng recruitment slot.
Sa datos ng BFP, nakatanggap na ang ahensya ng 40 complaints kung saan 21 na sa mga ito ay nai-endorse na sa Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) para gagawing case build up.
Ayon kay Remulla, kailangan na maputol ang ganitong sistema ng katiwalian sa BFP.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Remulla na nasa opisina na ng pangulo ang rekomendasyon para sa susunod na magiging BFP director na posibleng ilabas sa susunod na buwan.










