12 Opisyal ng DPWH, inirekomendang pakasuhan sa Office of the Ombudsman

Ito’y kaugnay ng mga posibleng iregularidad sa P95-milyong flood control project sa bayan ng Bocaue.

Ayon kay Independent Commission for Infrastructure (ICI) Justice Andres Reyes, ang contractor na may hawak ng naturang proyekto ay ang Topnotch Catalyst Builders Inc./Beam Team Developer Specialist Inc. (JV), na layuning magpatayo at magpaayos ng mga daluyan ng tubig at slope protection structure sa Brgy. Bambang, Bocaue.

Ngunit batay sa ulat ng Commission on Audit (COA), natuklasan na walang istrukturang itinayo sa lokasyong nakasaad sa Approved Bid Plans.

Natukoy din na may malaking pagkakaiba sa pagitan ng aktuwal na plano at mga kontratang dokumento.

Lumabas sa teknikal na pagsusuri ng COA na hindi ipinatupad nang tama ang proyekto, kahit pa naibigay na ng DPWH ang buong bayad sa kontratista

Ayon sa ICI, tila nagkulang sa due diligence at oversight ang ilang opisyal ng DPWH, dahilan upang malagay sa alanganin ang pondo ng gobyerno.

Inirekomenda ng ICI sa Ombudsman ang posibleng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Malversation, at iba pang kaukulang batas.

Kabilang sa mga tinitingnang sangkot ay sina Engr. Henry C. Alcantara, Engr. Brice Ericson D. Hernandez, Engr. Jaime R. Hernandez, at iba pang opisyal.

Gayundin ang ang paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees nina dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, at dating Undersecretaries Roberto Bernardo at Maria Catalina Cabral.

Facebook Comments