12 pamilya, nawalan ng tirahan matapos mag-collapse ang barung-barong sa Maynila

Nawalan ng matitirhan ang nasa 12 pamilya na informal settlers makaraang magsibagsakan ang tinitirhan nilang mga barung-barong na itinayo sa mga breakwater ng Manila Bay sa may Tondo, Maynila.

Sa ulat ng Delpan Police Station 12 ng Manila Police District (MPD), nag-collapse ang walong mga barung-barong sa may Isla Bungad, Isla Puting Bato, Brgy. 20 sa Tondo.

Itinayo ang mga bahay na pawang gawa sa mumurahing kahoy, yero, tarpaulin at iba pang materyales sa breakwater.


Nasa 57 indibidwal ang nakatira sa mga barung-barong at masuwerte na wala sa kanila ang nalunod o nasaktan sa insidente.

Dinala ang mga apektadong indibidwal sa Delpan Evacuation Center kung saan dito muna sila pansamantalang maninirahan.

Lumalabas naman sa imbestigasyon na posibleng dahil sa hampas ng alon at hangin ang dahilan ng pagbagsak ng mga barong-barong.

Facebook Comments