Natukoy na ng Quezon City Police District (QCPD) ang 12 suspek na sangkot sa hazing na ikinamatay ng 4th year student ng Philippine College of Criminology (PCCr) na si Ahldryn Leary Bravante.
Ayon kay QCPD Director PBGen. Red Maranan, bukod sa apat na hawak na ng QCPD ay mayroon pang walong natukoy sa pamamagitan ng kanilang mga aliases.
Inaalam pa ng QCPD kung pawang mga miyembro ng Tau Gamma Phi Fraternity ang mga suspek.
Apat na empty bottled water ang nasamsam ng QCPD sa abandonadong gusali na magsisilbing ebidensya na isasailalim sa DNA test para matukoy ang mga suspek.
Sa inisyal na imbestigasyon ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit o CIDU, bukod sa mga paso ng sigarilyo ay animnapung paddle hits o palo sa katawan ang tinamo ng biktima na siya nitong ikinamatay.
Samantala, ang apat na suspect at mga initiator na nasa kostudiya ng QCPD ay sina Justine Cantillo Artatez, 20, 3rd year Criminology Student ng PCCr; Kyle Michael Cordeta de Castro, 21; Lexe Angelo Diala Manarpies, 20 at Mark Leo Domecillo Andales, 20, estudyante ng PCCr.