Isinulong ng Makabayan bloc na alisin ang ipinapataw na 12% value added tax (VAT) sa asukal, tinapay, de lata at iba pang pangunahing bilihin gayudin sa mga gamot na tinukoy ng Department of Health (DOH) na “essential” o madalas kailanganin.
Ang naturang mungkahi ay nakapaloob sa House Bill 5504 na inihain ni Assistant Minority Leader at Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas at iba pang mambabatas na kasapi ng Makabayan bloc.
Layunin nito na mabawasan ang pasanin ng taong-bayan sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at paghina ng halaga ng piso.
Ayon kay Brosas, malaking tulong ito sa mga mahihirap na pamilya na maliit lang ang budget na pambili ng pagkain.
Diin Brosas, anumang mawawala sa koleksyon ng gobyerno sa ilalim ng panukalang VAT exemption na ito ay madaling mababawi kung magpapataw tayo ng wealth tax sa kita ng pinakamayayamang Pilipino.