Pinarangalan at kinilala bilang mga “flood heroes” ang 120 sundalo na tumulong sa pagsagip ng mga biktima ng malawakang pagbaha sa Cagayan Valley.
Sila ay nakatanggap ng medalya para sa kanilang ipinakitang kabayanihan sa pagsagip ng buhay sa panahon ng kalamidad.
Bronze Cross Medal at Disaster Relief and Rehabilitation Operation Ribbon ang natanggap ng mga sundalo sa Tuguegarao City Airport kahapon.
Nanguna sa seremonya si Northern Luzon Command (NOLCOM) Commander Lt. Gen. Arnulfo Marcelo Burgos Jr.
Nagpasalamat naman ang lokal na pamahalaan ng Cagayan Valley sa mga sundalo na nagpamalas ng “dedication, commitment, professionalism, and courage” sa kanilang pagganap ng kanilang tungkulin.
Ang mga sundalong binigyan ng parangal ay kabilang sa “first responders” na naglikas at nag-ligtas ng 2,485 pamilya na binubuo ng 9,869 katao sa kasagsagan ng baha sa Cagayan na dulot ng Bagyong Ulysses.