Ipapakalat ng Philippine National Police (PNP) ang 12,000 mga police officer sa mga sementeryo at mga columbarium para magpatupad ng minimum health protocols lalo’t may mga tumutungo na ngayon kaugnay nang paggunita ng Undas.
Ayon kay Joint Task Force COVID Shield Commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar, na maliban sa mga pulis, may 17,000 force multipliers silang makakatulong sa pagpapatupad ng minimum health protocol lalo’t nananatili ang COVID-19 pandemic.
Batay sa guidelines na inilabas ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), hanggang 30 porsyento lamang ng tao ng kabuaang kapasidad ng isang sementeryo ang maaaring payagan makapasok.
Inaaasahan nilang ngayon ay marami na ang pupunta lalo’t mula October 29 hanggang November 4, 2020 ay sarado ang mga sementeryo, memorial parks at columbariums batay na rin sa IATF resolution No.72 para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.