Dalawang milyong bakuna kada araw ang target na maiturok ng Department of Health (DOH) sa third round ng National Vaccination Drive.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na apat hanggang limang milyong indibidwal ang balak nilang mabigyan ng bakuna sa February 10 at 11.
Sakop ng ikatlong “Bayanihan Bakunahan” ang mga edad 12-anyos pataas.
Kaugnay nito, 12,000 vaccination sites ang bubuksan ng DOH.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kasama na rito ang mga drive-thru vaccination site, pharmacies, clinics habang dinagdagan din ang mga eskwelahan, mall, sinehan at restaurant na gagamiting bakunahan center.
Nilinaw naman ng DOH na ang vaccination sites para sa national drive ay hiwalay mula sa nagpapatuloy na bakunahan sa mga batang edad 5 hanggang 11.
Samantala, kumpiyansa si Duque na hindi nakaapekto sa pag-arangkada ng expanded pediatric vaccination ang petisyong inihain ng dalawang magulang para ipatigil ang pagbabakuna sa mga batang edad 5 hanggang 11.
Kahapon nang simulan ang pagbabakuna sa nasabing age group kung saan halos 10,000 bata ang naturukan ng first dose.
Giit ng kalihim, hindi dapat ihambing ang COVID-19 vaccines sa iba pang mga bakuna partikular sa kontrobersyal Dengvaxia.
Samantala, nakatakdang dinggin ng Quezon City Regional Trial Court ang nasabing petisyon mamayang alas-2:00 ng hapon.