120K HALAGA NG KAHOY, NASABAT SA CHECKPOINT SA NUEVA VIZCAYA; APAT ARESTADO

Cauayan City — Nasabat ng mga kapulisan ng Diadi ang 2,400 board feet ng ilegal na kahoy na nagkakahalaga ng P120,000, kasabay ng pag-aresto sa apat na suspek sa isang anti-criminality checkpoint sa Brgy. Nagsabaran, Diadi.

Ayon sa ulat, pinara ng tauhan ng 2nd Mobile Force Platoon (MFP) ng 1st Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company (NVPMFC) ang dalawang kahina-hinalang sasakyan na patungo sana ng Norte.

Isang Isuzu Elf aluminum van na minamaneho ni alyas Ipe, 44, at isang Isuzu Aluminum close van na minamaneho ni GELO, 24, kasama ang mga helper na sina alyas YAEL, 22, at alyas Lira 23, na pawang mga residente ng Rizal.

Inihain ng mga suspek na may dalang “Scrap Wood Poles” at nagpakita ng photocopy ng Store Transaction Receipt, subalit nang buksan ang likod ng mga sasakyan, natuklasan ang 58 pinutol na kahoy na poste, humigit-kumulang 14 talampakan ang haba, na sinasabing bahagi ng mga poste ng kuryente. Wala silang maipakitang lehitimong dokumento o permit, dahilan ng agarang pagkakaaresto.

Nakipag-ugnayan na ang mga kapulisan sa Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) sa Bayombong para sa tamang disposisyon at pangangalaga ng nakumpiskang kahoy.

Facebook Comments