1,223 INDIGENT SENIOR CITIZEN SA COASTAL TOWN NG PALANAN, NATANGGAP NA ANG SOCIAL PENSION

Cauayan City, Isabela-Umabot sa 1,223 ang kabuuang bilang ng indigent senior citizen ang natanggap na ang kanilang social pension sa unang quarter sa ginanap na four-day payout ng Department of Social Welfare and Development Field Office II sa labing-pitong (17) barangay ng Palanan, Isabela.

Kabilang ang coastal town ng Palanan sa Geographically Isolated and Disadvantaged Area (GIDA) sa eastern part ng Isabela kung saan mararating mo lang ito sa pamamagitan ng 30-minutong biyahe gamit ang eroplano o di naman ay pitong (7) oras na biyahe gamit ang bangka mula sa mga kalapit na bayan ng Divilacan o Dingalan at Baler sa lalawigan ng Aurora.

Tiniyak naman ni DSWD Regional Director Cezario Joel Espejo na aabutin ang kahit malalayong lugar sa rehiyon upang maihatid ang serbisyo na nararapat para sa mga ito lalo na ang mga senior citizen na nakadepende lang din sa pensyon ang kanilang pangangailangan sa araw-araw.

Nakapagpamahagi naman ng kabuuang P1,834,500 kung saan P1,500 ang natanggap ng bawat isa mula sa mga buwan ng January, February, at March 2022.

Itinatag ang Social Pension Program para sa mga mahihirap na senior citizen na nagbibigay ng karapatan sa isang karapat-dapat na benepisyaryo ng buwanang stipend na P500 upang madagdagan ang kanilang panggastos sa pang-araw-araw na pamumuhay at iba pang pangangailangang medikal.

Facebook Comments