125 na PNP personnel, naturukan ng Sinovac Vaccine sa unang araw ng vaccination program kahapon; Ilang nagboluntaryo, umatras magpabakuna

Nakapagtala ang Philippine National Police (PNP) ng 125 na PNP personnel na binubuo ng 113 pulis at 12 civilian personnel ng PNP Health Service ang nabakunahan sa unang araw ng vaccination program ng gobyerno kahapon.

Ayon kay PNP Deputy Chief for Administration at Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) Commander PLt. Gen. Guillermo Eleazar, ang 125 na nagpabakuna ay mula sa 203 na nagparehistro kahapon.

Aniya, 78 sa mga nagparehistro ang “no go” o hindi tumuloy sa pagbabakuna.


Ipinaliwanag ni Eleazar na ang “no go” ay maaring sariling desisyon ng kanilang tauhan na umatras matapos na bigyan ng counselling, o desisyon ng mga doktor makaraang isailalim sa medical screening ang aplikante.

Sa pamamagitan aniya ng COVID 19 Data App (CODA) ng PNP, ay madali rin silang makakahanap ng pamalit para sa mga “no go” para maubos ang allocated vaccine sa kanila.

Kahapon ay sinabi ni Eleazar na napuno na nila ang listahan ng mga volunteer para sa unang 800 doses ng bakuna na ipinagkaloob ng gobyerno sa PNP General Hospital.

Umaasa naman siya na matatapos ngayong linggong ito ang pagbabakuna sa lahat ng mga volunteer, kung saan 200 kada araw ang kanilang target na mabakunahan.

Facebook Comments