25,000 trabaho, nawala sa mga Pilipino dahil sa ibang bansa bumili ng PPE ang gobyerno

Sa pagdinig ng Senado ay naglabas ng sama ng loob ang local manufacturers ng Personal Protective Equipment (PPE) dahil mas pinili ng gobyerno na bilhin ang PPE na gawa sa China.

Inilahad sa pagdinig ni Confederation of Philippine Manufacturers of PPE Executive Director Rosette Carillo na noong pumutok ang pandemya ay nakiusap ang gobyerno na gumawa sila ng PPE pero kaunti lang ang binili sa kanila.

Isiniwalat din ni Senator Imee Marcos na sa P4.8 billion na budget ng gobyerno pambili ng PPE ay 14 percent lang ang ibinili ng locally made medically grade na PPE at ang 84 percent ay binili sa China.


Dagdag pa ni Marcos, bagama’t mas mura ang PPE na gawa ng China ay hindi naman umano sigurado kung ito ay medically grade.

Ayon kay Marites Agoncillo ng Confederation of Wearable Exporters of the Philippines, ang ginawa ng gobyerno ay nagresulta sa pagkawala ng halos 25,000 na trabaho para sa mga Pilipino.

Dahil dito ay sinabi ni Agoncillo na plano nila ngayon na subukan na mag-export na lang ng PPE.

Puna ni Senator Nancy Binay, nakakatawa na mag-eexport ang mga Pilipinong kumpanya ng PPE gayong kapos ang suplay nito sa ating bansa.

Facebook Comments