
Umabot na sa 127 motorista ang nagpositibo sa alcohol breath analyzer test ng Land Transportation Office (LTO) ngayong taon.
Dahil dito, mas paiigtingin pa ng ahensiya ang operasyon laban sa mga motoristang nagmamaneho sa ilalim ng impluwensya ng alak upang maiwasan ang mga aksidente sa kalsada.
Ayon kay LTO Assistant Secretary Markus Lacanilao, mahigpit nilang ipinatutupad ang batas laban sa drunk driving upang mapanagot ang mga lumalabag.
Tiniyak din ng ahensiya na sinusunod ang tamang proseso bago hulihin ang mga pinaghihinalaang lasing na driver, kabilang ang pagsasagawa ng Field Sobriety Test at Alcohol Breath Analyzer Test, alinsunod sa Memorandum Circular No. MVL-2026-242.
Binigyang-diin ni Lacanilao na magpapatuloy ang kanilang operasyon at pagpapaalala sa mga motorista dahil pangunahing layunin ng LTO ang kaligtasan ng publiko sa kalsada.










