Bagong Pilipinas, ipinagtanggol ng ilang kongresista laban sa mga kritisismo

Dumipensa ang ilang kongresista laban sa mga kritisismo na wala umanong saysay ang Bagong Pilipinas campaign na isa sa mga pangunahing programa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. katuwang ang kamara sa pangunguna ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Ayon kay Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party-list Representative Erwin Tulfo, ang linggo-linggong pamimigay ng bigas at ayuda sa mga mahihirap sa iba’t-ibang lalawigan ay pagtupad ni Pangulong Marcos sa pangako na ilalapit sa mga Pilipino ang serbisyo ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Sabi naman ni Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Representative Janette Garin, personal niyang nasaksihan kung paano nakinabang sa naturang program ang mamamayang Pilipino, kasama ang kanyang mga kadistrito sa Iloilo.


Dagdag pa ni Garin, sa ilalim ng “Bagong Pilipinas” ay agad na tumutugon ang gobyerno at palaging andyan para sa taumbayan.

Para naman kay Anakalusugan Party-list Representative Ray Reyes, masyado pang maaga para husgahan kung tagumpay o hindi ang Bagong Pilipinas campaign ng administrasyong Marcos Jr. dahil inilunsad lamang ito ng magsimula ang taong 2024.

Facebook Comments