Cauayan City, Isabela- Pormal nang binuksan sa mga magsasaka ang 12th National Rice Technology Forum ng Department of Agriculture (DA) region 2 sa Brgy. Nungnungan 2, Cauayan City, Isabela.
Personal na dinaluhan ito ni DA Regional Executive Director Narciso Edillo, Regional Technical Director Roberto Busania, Cauayan City Agriculturist Engineer Ricardo Alonzo, Isabela Gov. Rodito Albano III, Cauayan City Mayor Bernard Dy, miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Cauayan, at mga kawani ng 16 na kumpanya ng palay at fertilizer.
Ayon kay Jonel Ramos ng PhilRice Isabela, mainit ang pagtanggap ng mga magsasaka sa bagong paraan ng pagtatanim.
Hinihimok nito ang iba pang magsasaka sa pagtatanim ng hybrid palay dahil mas marami na aniya ang tumatangkilik nito o katumbas ng 15-20 porsyento.
Inihayag naman ni DA RFO2 Director Edillo na hakbang ng 16 na kumpanyang nakilahok ang ipakilala ang kanilang produkto sa mga magsasaka.
Layunin ng ahensya na matiyak ang seguridad ng suplay ng pagkain sa bansa kung kaya’t pinalalakas pa ang produksyon ng palay sa ilalim ng rice program dalawang beses kada taon.
Giit pa ni Edillo na may 100 ektaryang compact area na pagmamay-ari ng tatlong Farmers Cooperative Association para sa libreng paggamit ng kanilang mga sakahan na pagtatamnan ng hybrid sa kabila ng paglagda sa isang kasunduan sa pagitan ng mga kumpanya at ahensya ng gobyerno.
Lumabas rin sa assessment ng ahensya na kakaunti lamang ang gumagamit ng hybrid rice.
Wala pa umano sa 10 porsyento ng magsasaka ang nagtatanim ng naturang variety ng palay.
Tatagal ang nasabing forum hanggang April 8, huwebes.
12th National Rice Technology Forum ng DA region 2, Binuksan
Facebook Comments