Manila, Philippines – Naniniwala ang mga awtoridad na posibleng napagkamalan lang na tulak ng iligal na droga ang 13-anyos na binatilyo na pinagbabaril sa harap ng kanilang bahay sa Barangay 104, Pasay City.
Hindi pa rin matanggap ni Rosanna Brondial ang sinapit ng anak na si Jayross Brondial na pinagbabaril ng lalaking naka-motorsiklo.
Kwento ng tiyuhin ng biktima na si Ariel Brondial – bago ang pamamaril, nakatambay ang isang nagngangalang Gary na kilalang tulak sa lugar.
Sinabi naman ni pasay Chief Of Police, Sr/Supt. Dionisio Bartolome – inaalam pa nila kung kabilang sa kanilang drugs watchlist si ‘Gary’.
Pero ayon kay NCRPO Director, C/Supt. Oscar Albayalde – bukod sa mistaken identity, may iba pang anggulo ang kanilang sinisilip.
Aniya, ang mga kapatid kasi ng biktima ay nasasangkot sa mga robbery holdap.
Sa ngayon, patuloy na inaalam ang pagkakakilanlan ng bumaril sa binatilyo.
Dahil dito, bumuo na ng isang team ang Pasay Police na tututok sa kaso.