Ayon kay Albay 1st District Rep. Edcel Lagman, maaring hugutin sa 13-B na contingent fund ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ngayong 2023 ang kinakailangang ayuda para sa rice retailers sa harap ng ipinapatupad na price ceiling sa bigas.
Kailangang bigyan ng subsidiya ang rice retailers bilang tugon sa nakaambang pagkalugi nila dahil mas mataas ang presyo ng bigas na kanilang nabili kumpara sa ipinapatupad na price cap sa bigas sa ilalim ng Executive Order 39.
Paliwanag ni Lagman, ang contingent fund ay pantugon sa mga hindi inaasahan o kritikal na sitwasyon o pangyayari.
Ipinunto pa ni Lagman na kung nagamit ang contingent fund para makapag-lipat ng milyon-milyong pisong halaga ng “confidential funds” sa Office of the Vice President noong 2022 ay matibay na rason na gamitin din ito para matulungan ang mga maliliit na rice retailers.