Cauayan City, Isabela-Naideklara ng Barangay Drug Clearing Program-Regional Oversight Committee ang labingtatlong (13) Barangay sa Cagayan bilang “Drug Cleared”.
Ang mga drug cleared barangay ay kinabibilangan ng Bantay, Cadaanan, Lanna, Maguirig, at Nabbotuan ng Solana; Ibulo, Nangalinan, at San Miguel ng Baggao at mga barangay ng Angang, Bagumbayan, Lakambini; Malummin, at Palca ng Tuao.
Ayon naman kay PDEA Assistant Regional Director Christy E. Silvan, hinihikayat nito ang komunidad upang makipagtulungan sa mga otoridad sa pagsugpo ng iligal na droga.
Kaugnay nito, ginawaran ng sertipikasyon ang labingtatlong barangay matapos pumasa sa ginawang deliberasyon ng mga tumayong komite.
Binubuo ng nasabing komite ang Police Regional Office 2, Philippine Drug Enforcement Agency-Regional Office 2, Department of Health-Regional Office 2 at ng Department of Interior of Local Government-Regional Office 2.
Samantala, nangako naman si Cagayan PPO Provincial Director PCol. Ariel Quilang na ipagpapatuloy pa rin nila ang laban kontra sa iligal na droga upang tuluyang mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa buong probinsya maging sa buong bansa.