13 Filipino nurses nasa pangangalaga ngayon ng embahada ng Pilipinas sa tripoli

Kinakanlong ngayon ng Embahada ng Pilipinas sa Tripoli ang nasa labing tatlong Filipino nurses na naiipit sa gulo sa Libya.

Ito ang kinumpirma ni Chargé d’Affaires Elmer Cato sa kanyang Twitter account.

Ayon kay Cato, higit sa apatnapung nurses at kanilang dependents ang inilikas na rin at kasalukuyang nananatili sa mga kaibigan at kamag-anak.


Ayon kay Cato, base sa kwento ng mga Pinoy nurses matindi ang bakbakan sa Tripoli at ito na anila ang “worst” o pinaka-malala na kanilang nakita sa loob ng maraming taong pananatili sa Libya.

Ibinahagi rin ni Cato na dahil sa dumaraming airstrikes sa Tripoli, minabuti nilang maglagay ng watawat ng Pilipinas sa rooftop ng building ng embahada para magsilbing palataandaan ng diplomatic mission, upang maiwasan na ma-target.

Kahapon ay idineklara na ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin ang Alert Level IV status sa Tripoli.

Ibig sabihin nagpapatupad na ang pamahalaan ng mandatory repatriation sa mga OFWs na nasa Tripoli.

Patuloy din ang pahimok ng DFA at Philippine Embassy sa Libya sa lahat ng mga Pinoy na umuwi na sa Pilipinas dahil sa lumalalang gulo sa nabanggit na bansa.

Facebook Comments