Manila, Philippines – Umabot na sa labing tatlo ang kaso ng menor de edad na napatay sa operasyon ng Philippine National Police kontra iligal na droga ang aktibong iniimbestigahan ng Commission on Human Rights.
Ayon kay CHR Commissioner Atty. Gwen Pimentel – ang mga ito ay umanoy sangkot sa iligal na droga at ang iba ay nadamay lang o collateral damage.
Iba pa aniya ang nasabing bilang sa mga iniimbestigahan ng kanilang mga regional offices na hindi pa naire-report sa main office.
Naniniwala naman si Pimentel na hindi nasusunod ang manual ng PNP sa pagsasagawa ng mga drugs operation, kaya may mga napapatay na menor de edad, tulad na lamang ng nangyari sa grade 11 student sa Caloocan na si Kian Delos Santos.
Anumang araw ngayon ay ilalabas ng CHR ang resulta sa kanilang isinagawang imbestigasyon sa kaso ni Kian.