Otomatikong kinansela ang pagpapatupad ng “No Vax, No Ride” policy sa mga pampublikong transportasyon sa labing-tatlo na lungsod sa Metro Manila.
Ito ay base sa ibinabang resolusyon ng mga Local Government Unit (LGU) kasunod ng pagsasailalim ng Metro Manila sa Alert Level 2.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos, kabilang sa mga lungsod na nagpatupad nito ay ang Las Piñas, Malabon, Navotas, Caloocan, Quezon City, Pasig, Maynila, Mandaluyong, Muntinlupa, San Juan, Taguig, Marikina, at Valenzuela.
Samantala, may apat pang lungsod na hindi pa naglalabas ng kautusan para sa kanselasyon ng naturang patakaran.
Kabilang dito ang Paranaque, Pasay, at Makati habang ang Pateros ay nasa subject for discussion pa lamang.
Nilinaw naman ni Abalos na may kapangyarihan pa rin ang mga LGU na limitahan ang galaw ng kanilang nasasakupan, lalo na ang mga hindi pa bakunado, basta hindi ito mas mahigpit sa kasalukuyang restrictions na ipinatutupad.