13 molecular labs ng PRC sa buong bansa, handa na sa malawakang saliva RT-PCR test para sa COVID-19

Inihayag ng Philippine Red Cross (PRC) sa pag-arangkada ngayong araw ng RT-PCR test gamit ang saliva o laway na mula sa dating tatlo hanggang apat na araw o higit pa, aabutin na lamang ng tatlo hanggang apat na oras bago mailabas ang resulta ng COVID-19 test.

Pinangunahan mismo ni PRC Chairman & CEO Senator Richard Gordon, kasama ang mga health expert mula sa University of the Philippines (UP) ang pagpapasinaya ng bagong saliva RT-PCR test.

Ayon sa PRC, sa NCR (COMPLETE) pa lamang ay may kakayahan nang magsuri ng 22,000 individuals ang tatlong mga molecular laboratories nito, dalawa sa Mandaluyong at isa sa Port Area Manila na pinakamalaki sa buong bansa.


Paliwanag ng PRC, sa kabuuan ay mayroong 13 molecular laboratories na nasa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas.

Dagdag pa ni Chairman Gordon, resulta ito ng patuloy na paghahanap ng PRC ng paraan para mapababa ang mahal na bayad sa COVID test.

Pagpapakita rin aniya ito ng husay ng mga batang Molecular Laboratory Technicians na Pilipino na nagtatrabaho sa iba’t ibang lugar sa mundo na tumutulong sa PRC.

Dahil dito, mula sa minimum na ₱3,800 na bayad para sa swab test ay magiging ₱2,000 na lamang.

Sa panig naman ni COVID-19 Testing Czar Vince Dizon, sasagutin ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth ang gastos sa saliva RT-PCR.

Samantala, kahit mayroon nang saliva RT-PCR test, hindi pa rin umano aalisin ng Philippine Red Cross ang swab test.

Facebook Comments