Kusang loob na sumuko sa mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang 13 miyembro ng CPP-NPA sa South Cotabato sa mismong araw ng ika-52 anibersaryo ng teroristang grupo.
Kinilala ni PNP Chief Pol. Gen. Debold Sinas ang mga sumuko na sina: alyas Jeff, Team Leader Guerilla Front 73 Musa; alyas Gani; alyas Kathy, Squad 1, Team Leader; alyas Waway; alyas Buldog; alyas Romano; alyas Warren; alyas Alex; alyas Marjun; alyas Fanok; alyas Atam; at mga miyembro ng Guerilla Front 72, alyas Wawa; at alyas Tatay Ben.
Sila ay sumuko sa 1st at 2nd South Cotabato Provincial Mobile Force Company na nagsasagawa ng Internal Security Operations at outreach program sa mga bayan ng Tampakan, Banga at Koronadal City sa South Cotabato.
Isinuko rin ng mga ito ang kanilang mga armas na kinabibilangan ng apat na matataas na kalibreng baril, 6 na Improvised Explosive Device (IED) at IED components; mga magasin at bala at bandila ng New People’s Army.