Kinumpirma ng Bureau of Corrections (BuCor) na 13 pang persons deprived of liberty (PDLs) na nagpositibo sa COVID-19 ang nakalabas na ng New Bilibid Prison (NBP) – Isolation Ward.
Ito ay matapos na magnegatibo na sa ikalawang rapid antigen test ang naturang inmates.
Habang ang 2 iba pang PDLs ay inilipat ng ibang ward dahil sa iba pang medical conditions.
Ayon kay Dra. Maria Cecilia Villanueva, Director ng Health and Welfare Services ng BuCor, ang naturang mga bilanggo ay kabilang sa unang batch ng mga nagpositibo sa COVID-19.
Kinumpirma rin ni Villanueva na sa ngayon ay 75 PDLs na lamang naka-isolate kabilang na ang 15 senior citizens.
Sila ay pawang may mild symptoms lamang.
Samantala, umaabot na sa 7 tauhan ng BuCor ang nagpositibo sa COVID-19 at sila ay pinayuhan na mag-self isolate sa tahanan at binigyan ng reseta ng mga iinuming gamot.
Wala namang naitala ang BuCor na kaso ng infection sa iba pang prison at penal farms sa buong bansa.