Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nakabalik na sa Pilipinas ngayong araw ang 13 na Pilipina na sangkot sa surrogacy scheme kung saan nahatulan at nakulong ang mga ito sa Cambodia dahil sa paglabag sa batas ng Cambodia na Human Trafficking.
Matatandaang nakulong noong September 23 ang 13 Pilipina habang nililitis ang kanilang kaso na may kinalaman sa paglabag sa 2008 Law of the Suppression of Human Trafficking and Sexual Exploitation sa Cambodia dahil sa itinuring na felony ang paglabag nila sa ban sa surrogacy.
Ang mga nahatulang Pinay ay pinatawan ng apat na taong pagkakabilanggo ngunit nabawasan ito nang dalawang taon dahil na rin sa pakikipag-ugnayan ng embahada ng Pilipinas sa pagsunod sa batas ng Cambodia.
Ipinangako ng gobyerno ng Pilipinas na patuloy ang pagbibigay ng tulong legal para sa mga nahatulang Pinay.
Kaya naman laking pasasalamat ng gobyerno ng Pilipinas ngayon kasama ng DFA, at ng embahada ng Pilipinas sa Phnom Penh, Cambodia.
Nabigyan ng Royal Pardon mula sa Cambodian king na si Norodom Sihamoni noong December 26, ang 13 Pinay na nahatulan sa Cambodia.
Base ito sa hiling ng embahada ng Pilipinas kalakip ang endorsement mula sa Royal Government of Cambodia, ay nabigyan ng royal decree sa pagpapalaya sa 13 Pinay gayun din ang agad nito pag babalik sa Pilipinas.
Pinasalamatan ng gobyerno ng Pilipinas ang Royal Government ng Cambodia para sa humanitarian treatment sa 13 Pinay habang iniimbestigahan at nililitis ang mga ito hanggang sa ligtas na pagbabalik nila dito sa Pilipinas.
Nagpaalala naman ang DFA sa mga Pilipino na ang surrogacy ay mahigpit na ipinagbabawal sa bansang Cambodia.