Naharang ng pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) ang labin-tatlong mga Filipino na gumagamit ng mga pekeng boarding pass sa NAIA Terminal 3.
Ayon sa hepe ng Bureau of Immigration (BI) Port Operations Division na si Chief Grifton Medina, pasakay na sana ang pitong lalaki at anim na babae sa kanilang airline counter ng Cathay Pacific Flight patungong Hong Kong nang madiskubreng peke ang kanilang boarding pass.
Aniya, nakita ng kanyang mga tauhan na peke at hindi galing sa kanila ang iprinisintang mga boarding pass ng mga Pinoy mula sa airline company.
Malaki ang hinala ni Medina na posibleng nabiktima ang mga pasahero ng scam na nagbebenta ng murang ticket sa mga biktima.
Sa imbestigasyon, lumabas na kinansela din ang kanilang hotel bookings sa Hong Kong.
Sa ngayon ay nasa inter-agency council against trafficking na ang mga biktima para sa tulong at mas malalim na imbestigasyon matapos ang insidente.