Dahil sa maigting na pagtutulungan ng Globe at ng mga lokal na awtoridad para sugpuin ang laganap na pagnanakaw ng mga kable, 13 suspek ang naaresto sa loob lamang ng isang linggo, mula Hulyo 18 hanggang 24.
Anim na mga kontratista ng ibang kumpanyang pang telekomunikasyon ang nahuli dahil sa pagnanakaw ng Globe copper wires sa kahabaan ng Manuel L. Quezon St. sa Cabancalan, Mandaue City, noong Hulyo 19.
Arestado ang tatlo pang suspek sa Silay City, Negros Occidental, dalawa sa Bais City, Negros Oriental, isa sa Quezon City at isa pa sa Mandaue.
Kasunod ito ng pagsasampa ng kaso laban sa siyam katao na nahuli sa Cavite at Quezon City noong unang linggo ng Hulyo.
Bunga ng entrapment operation sa Tanza, Cavite, tatlo sa kanila ay nahulihan ng 50 kahon ng mga ninakaw na kable ng Globe na nagkakahalaga ng P129,000. Arestado ang isa pa dahil sa pagnanakaw naman ngx Bayantel copper wires sa kahabaan ng Congressional Avenue sa Quezon City.
Patuloy na pinalalakas ng Globe ang laban nito sa talamak na pagnanakaw ng kable sa tulong ng kampanyang #BantayKable, kasama ang Philippine National Police (PNP) at mga barangay tanod.
Sa gitna ng kampanya, ilang mga magnanakaw na naaresto sa Quezon City at Cagayan de Oro City ang nasentensiyahan na ng isa hanggang apat na buwan na pagkabilanggo.
Sa unang kalahati ng taon, may kabuuang 281 indibidwal at third-party contractors na ang nakasuhan ng pagnanakaw, qualified theft, robbery, violation ng anti-fencing law, malicious mischief at paglabag sa Omnibus Election Code at Republic Act 10515 o ang Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act of 2013.
“Patuloy na namumuhunan ng malaki ang Globe para i-upgrade at gawing moderno ang network nito. Pero nahahadlangan ng mga ilegal na aktibidad ang pagsisikap namin na mabigyan ng mas mahusay na serbisyo ang mga mamamayang nangangailangan ng maayos na koneksyon para sa kanilang pagtatrabaho, pag-aaral, libangan, at komunikasyon,” ayon kay Atty. Froilan Castelo, Globe Group General Counsel.
“Ito ang dahilan kung bakit nakikipagtulungan kami nang husto sa pulisya, sa mga lokal na pamahalaan, at iba pang stakeholders para matigil ang krimen na ito na nakaaapekto sa kritikal na imprastraktura ng ICT na nagdudulot ng pagkaantala ng serbisyo sa aming mga customer,” dagdag pa ni Castelo.
Layon ng Globe na protektahan ang imprastraktura nito para mabigyan ang mga Pilipino ng pantay na access sa connectivity. Ito ay naaayon sa pagsuporta ng kumpanya sa United Nations Sustainable Development Goals. Itinataguyod ng UNSDGs ang inobasyon at imprastraktura upang maitulak ang paglago at pag-unlad ng ekonomiya.
Nananawagan ang Globe sa publiko na tumulong na matigil ang pagnanakaw ng kable sa pamamagitan ng agarang pag-uulat ng mga ganitong insidente sa Globe Security Hotline 0906-3244626 o sa pagpapadala ng email sa bantaykable@globe.com.ph.