
“Ang sapat na tulong sa mga magsasakang Pilipino ang magbibigay ng pagkain sa ating mga hapag-kainan.”
Nangangako ang 132 GP (Galing sa Puso) Partylist na isusulong nito ang mas matibay na reporma sa agrikultura sa pamamagitan umano ng mga panukalang batas sa oras na muling magbukas ang sesyon ng Kongreso ngayong Hunyo.
Ito ay kasabay ng patuloy na pagbagsak ng presyo ng palay sa Nueva Ecija, ang tinaguriang sentro ng produksyon ng palay sa bansa, kung saan ang ilang mga magsasaka ay napipilitang mag-isip ng desperadong hakbang dahil sa matinding pagkalugi.
Ayon kay 132 GP Partylist 1st Nominee, Atty. JP Padiernos, hindi katanggap-tanggap ang sitwasyon sa probinsya na dulot ng kakulangan ng suporta sa farm inputs para sa mga magsasaka
“Ang mga insidenteng ito ay bunsod ng mababang presyo ng palay at kawalan ng sapat na suporta sa mga magsasaka,” ani Padiernos.
Sa isang panayam, ipinaliwanag ni Padiernos na tututok siya sa pagpapabuti ng mga post-harvest facilities at sa paglikha ng mas maraming economic zones na makatutulong upang mabawasan ang pagkabulok ng ani at mapataas ang paggamit sa mga pangunahing produkto.
Iminungkahi niya ang pagpapalawak ng modernong pagsasaka sa rehiyon sa pamamagitan ng pagtulong sa mga magsasaka na magkaroon ng access sa makabagong kagamitan, mas advanced na agricultural practices, at mas maayos na logistics kabilang na ang pagpapaganda ng mga farm-to-market roads.
“Dapat lamang na magkaroon ng industrial eco-zones upang masuportahan ang agro-industrial processing, palakasin pa ang lokal na produksyon ng palay, at iwasan ang pagsandal ng bansa sa importasyon. Ang sapat na tulong sa mga Pilipinong magsasaka ang magbibigay ng pagkain sa ating mga hapagkainan,” dagdag pa ni Padiernos.
Batay sa mga ulat mula sa Nueva Ecija, kasalukuyang binibili lamang ng mga traders ang palay sa farmgate price na P15 kada kilo.
Binigyang-diin pa ni Padiernos na kung hindi agad kikilos, mas maraming magsasaka ang posibleng malubog sa mas matinding paghihirap na maaaring magdulot ng pang-matagalang epekto sa food security ng bansa.