Dumating na sa bansa ang 132,200 doses ng Sputnik V vaccines mula sa Gamaleya Research Institute ng Russia.
Nabatid na noong Miyerkules sana ito nakatakdang naipadala subalit ito ay naantala bunsod ng logistics issues.
Alas-10:30 ng gabi nang lumapag ang Qatar Airways flight QR 928 sa NAIA Terminal 3 sa Pasay City.
Personal na sinalubong nina Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., at Russian Ambassador to the Philippines Marat Pavlov ang shipment.
Ayon kay Galvez, ang shipment ay naglalaman ng 82,200 doses na gagamitin sa first dose vaccination habang ang natitirang 50,000 doses ay gagamitin para sa second dose vaccination.
Bukod dito, nasa 37,800 doses ng Sputnik V vaccines ang darating sa bansa mamayang gabi para makumpleto ang 170,000 doses na inilaan ng Russia sa Pilipinas para sa buwan ng Hulyo.
Nauna nang dumating ang 2.028 million doses ng AstraZeneca vaccines na donasyon mula sa COVAX Facility.
Sa kabuuan, aabot na sa 20.7 million doses ng COVID-19 vaccines ang mayroon ang Pilipinas.