Nasa 27 lugar sa bansa ang itinuturing ng Philippine National Police na kabilang sa “areas of grave concern” kaugnay nang nalalapit na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Benjamin Acorda Jr., ang mga ito ay nasa ilalim ng red category ng election hotspot list.
Aniya, mayroong apat na kategorya ng election hotspot list na kinabibilangan ng green, yellow, orange at red.
Paliwanag ni Acorda, mayroon na silang listahan pero ito ay subject for approval pa ng COMELEC en banc.
Sa ngayon, nasa 37,683 mga lugar sa bansa ang sakop ng green area o walang security concerns, nasa 4,085 ang nasa ilalim ng yellow area o with serious armed threats at 232 ang sakop ng orang area o nasa areas of immediate concern.
Samantala, mahigpit namang babantayan ng PNP ang mga lalawigan ng Negros Oriental at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) dahil na rin sa napaulat na ilang karahasan.